Preso na mataas ang lagnat tumakas sa ospital
MANILA, Philippines — Tinutugis ng mga otoridad ang isang 45-anyos na inmate na naka-admit sa isang ospital sa Taguig City dahil sa mataas ang lagnat nang tumakas kamakalawa ng umaga.
Sa ulat kahapon ng Taguig City Police, ang PUPC na si Christopher Tyrone Ramirez, residente ng No. 195 PD Cruz St., Barangay Tuktukan, Taguig City ay nakatakas sa Taguig -Pateros District Hospital, sa East Service Road, Western Bicutan, Taguig City ward, dakong alas-9:00 ng umaga noong Abril 17, 2020.
Sa rekord, noong Marso 27, 2020 nang maaresto si Ramirez sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at nakulong sa Taguig Police Custodial Facility.
Na-admit si Ramirez sa nasabing pagamutan noong Abril 2, 2020 nang siya ay isugod roon ng mga pulis matapos dumaing na masakit ang mga hita at mataas na lagnat na posibleng dahil sa mga pigsa hanggang nitong Abril 17, nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa hospital personnel na nawawala ito sa ward.
Nagsagawa ng tracking ang mga tauhan ng Taguig Police sa mga kalapit na barangay at bumuo rin ng tracker team ang Intelligence Section na patuloy pang naghahanap sa pugante, subalit hindi pa matagpuan hanggang sa isinusulat ang balitang ito.
- Latest