GCTA sinisilip na motibo sa pagpatay sa BuCor official
MANILA, Philippines — Isa sa umano’y anggulong sinisilip ng mga otoridad na may kinalaman sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang motibo ng pagpatay kay Bureau of Corrections (BuCor) Legal Division Chief Atty.Fredrick Anthony Santos noong Miyerkules sa Muntinlupa City.
Ito ang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major Gen. Debold Sinas dahil bigo ang kanilang mga operatiba na makakuha ng CCTV sa pinangyarihan ng krimen na makakatulong sana sa mabilis na pagresolba sa kaso.
Nabatid na sira ang mga CCTV sa lugar at hindi rin nakunan ng dashcam ng sasakyan ni Santos ang mga suspek dahilan sa gilid o sa driver side dumaan ang mga ito.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang NCRPO para imbestigahan ang pamamaslang kay Santos at nakipag-ugnayan na sila sa Bureau of Corrections dahilan ang GCTA ang tinitingnan nilang motibo ng pagpatay kay Santos na pinagbabaril sa harapan ng Southernside Montessori School, Katihan Street, Variety Store, Brgy. Poblacion ng Muntinlupa City.
Si Santos ay humarap sa senado para sa pagdinig ng kontrobersyal na GCTA for sale.
- Latest