Binay sagot sa kahirapan - UNA
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ng tagapagsalita ng United Nationalist Alliance (UNA) na si Atty. Rico Quicho na ang kanilang standard bearer na si Vice President Jejomar Binay ang tanging sagot sa problema sa kahirapan.
Sinabi ni Quicho, ramdam ni Binay ang nararanasang paghihikahos ng may 26 milyong Pinoy dahil laki siya sa hirap at naranasan din niya kung paano maging salat sa buhay at ito ang kanyang tinututukan upang tugunan ang kahirapan at tulungang makabangon ang maralitang mamamayan.
Naniniwala umano si Binay na hindi karapat-dapat na mamuno sa bansa ang isang kandidato na walang malasakit sa mga mahihirap.
Ani Quicho, kinokondena ng Bise Presidente bilang isang dating human rights lawyer ang isang gobyerno na namamaril ng maralitang magsasaka na humihingi lamang ng tulong sa pamahalaan.
Iginiit ni Quicho na patunay ang naging performance ni Binay nang siya ay alkalde sa Makati City na tinugunan ang kahirapan ng mga mamamayan sa lungsod na ngayo’y nagtatamasa ng libreng pag-aaral, libreng pagpapagamot at medisina at mga benepisyo sa mga senior citizens.
Siniguro ni Quicho na kapag si Binay ang nahalal na pangulo ng bansa ay ipagpapatuloy nito ang mga programa niyang nakapag-angat sa buhay ng mga taga-Makati.
- Latest