Buwis parusa sa mahihirap - VP Binay
MANILA, Philippines – Bumuwelta kahapon si United Nationalist Alliance (UNA) presidential candidate Vice President Jejomar Binay kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares matapos kontrahin nito ang plano ng Bise Presidente na alisin ang income tax sa mga ordinaryong manggagawa.
Ayon kay Binay, ipinakikita lamang ni Henares at kasalukuyang administrasyon ang kawalan nila ng malasakit para sa mga mahihirap nang hayagang batikusin ng BIR commissioner ang plano ni Binay na tanggalin ang buwis sa mga manggagawang sumasahod ng P30,000 o pababa kada buwan kapag siya ang nahalal na pangulo ng bansa.
Kasama sa plataporma ni Binay ang pag-aalis ng income tax sa mga ordinaryong manggagawa sa unang taon ng kanyang panunungkulan bilang presidente.
Iginiit ni Binay na ito ang mabisang paraan upang wakasan ang aniya’y hindi makatarungang pagpapataw ng buwis kung saan kasinlaki ng buwis sa mga mahihirap ang buwis ng mga milyonaryo.
Ipinaliwanag ni Binay na may anim na milyong Pinoy kabilang ang mga sundalo, pulis, nars, pampublikong guro at mga clerk sa gobyerno ang inaasahang makikinabang sa pagtatanggal sa income tax para sa mga middle at below-middle class workers.
Maibabalik aniya ang nabawas na kita mula sa buwis sa pamamagitan ng pag-iigting ang laban sa smuggling.
Sagot pa ni VP Binay kay Henares, hindi dagdag na buwis ang solusyon sa mga problema ng bansa kundi dagdag na trabaho, edukasyon at serbisyo medikal. Obligasyon ng pamahalaan na ipamahagi ito kaya hindi makatarungang lalong pahirapin ang mahirap na at payamanin pa lalo ang mga milyonaryo na.
Tiniyak ni Binay na sa kanyang pamamahala, iaangat niya ang may 26 milyong mahihirap na Pilipino na pinahirap umano ng kasalukuyang administrasyon.
- Latest