Pekeng KBL bets sa Bulacan, kinasuhan
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Posibleng mabilanggo ang apat na kandidato ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) Party sa bayan ng Pandi matapos kasuhan ng perjury at falsification of public documents sa Bulacan Prosecutors Office sa lungsod na ito kamakailan.
Sa 6-pahinang reklamo ni Elizalde Malindog, 43, ng Brgy. Bagong Barrio, Pandi, sinabi niyang nagsinungaling sina Basilio De Mesa, 64, kandidatong alkalde, ng Brgy. Poblacion; at mga kandidatong konsehal na sina Josefina Antonio, 56, ng Brgy. Bagong Barrio; Vicente Fernandez, 59, ng Brgy. Poblacion; at Danilo Granel, 39, ng Brgy. San Roque, pawang ng Pandi, Bulacan.
Sinabi ni Malindog na nag-file ang grupo ni De Mesa nitong Oktubre 16 sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) gamit ang umano’y pekeng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) mula sa KBL Party para makatakbo sa halalan sa Mayo 9, 2016.
Lumagda sa CONA ang nagpakilalang presidente ng KBL Party na si Vicente Millora kaya malinaw na “peke” ang dokumento dahil hindi otorisadong lumagda ng CONA para sa KBL si Millora.
Kasama sa mga dokumentong iprinisinta ni Malindog ang liham ng KBL Party sa Comelec Law Department noong Oktubre 9, 2015 na ang mga may karapatan lamang lumagda ng CONA para sa partido ay sina Atty. Jose Vicente Opinion, Prof. George Balagtas at Rogelio De Leon Luis.
- Latest