PNoy naghugas-kamay kaso ni Cudia nasa AFP na
MANILA, Philippines - I pinaubaya na ng Pangulong Benigno Aquino III sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagresolba sa bagong apela ni Cadet 1st Class Aldrin Jeff Cudia.
Ang Pangulong Aquino ay naghugas kamay at ibinigay kay AFP chief of staff Gen. Emmanuel Bautista ang desisyon sa kaso ni Cudia matapos itong kausapin ng commander in chief sa The Mansion kamakalawa ng gabi.
Inatasan na lamang ni Pangulong Aquino na muling imbestigahan ang bagong apela ni Cudia makaraan ang halos 2 oras na pakikipag-usap nito sa kadete at kanyang mga magulang sa The Mansion.
Kasama ni PNoy na humarap sa pakikipag-usap kay Cudia ay si Defense Sec. Voltaire Gazmin.
Sumang-ayon naman si Cudia at magulang nito sa naging pasya ng PaÂngulo na huwag pasamahin ang kadete sa graduation rites kahapon at muling maghain sila ng apela sa AFP chief.
Nabigo si Cudia na maÂpabilang sa 233 graduating cadets na miyembro ng Siklab-Diwa Class.
Sinasabing lumabag sa honor code si Cudia ng magsinungaling ito sa dahilan ng pagiging late nito ng 2 minuto sa kanyang klase.
Naunang kinatigan ng PMA ang naging resulta ng imbestigasyon ng honor committee kay Cudia na i-dismiss ito sa academy.
Ang huling baraha na lamang ni Cudia upang makasama pa rin sa graÂduation ay si Pangulong Aquino pero matapos siyang kausapin nito ay ipinasa ang bola sa AFP chief.
Ayon sa source, nanghihinayang si PNoy sa 4 na taong pag-aaral ni Cudia kaya nais sana nitong ibigay pa rin ang diploma nito matapos niyang makumpleto ang kanyang requirements ng OJT.
Kahit makatapos si Cudia ay hindi na rin ito ico-commissioned sa AFP kaya hindi ito magiging 2nd lieutenant bagkus ay sarhento lamang ang pinakamataas na ranggong makukuha nito.
Nilinaw naman ng isang military official na pag-aaralan pa ng AFP ang isusumiteng panibagong apela ni Cudia kung aling investigating body ang hahawak ng kaso.
- Latest