Ipinagtanggol ang ina, Senior kinatay ni Junior
MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang ama ng kanyang sariling anak makaraang ipagtanggol ng suspek ang kanyang ina na binubugbog umano ng biktima na naganap sa Brgy. Libertad, Tungawan, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Rogelio Babatuan, 45, na nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinamatay.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nakilalang si Rogelio Babatuan Jr., 21 anyos.
Ayon kay Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, ang insidente ay naganap sa tahanan ng pamilyang Babatuan sa Brgy. Libertad, Tungawan, Zamboanga Sibugay dakong alas-5:15 ng hapon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nasa impluwensya ng alak ng umuwi ang biktima sa kanilang tahanan at agad nitong inaway ang kaniyang misis.
Nakita umano ng suspek ang ginagawang pambubogbog ng biktima sa kawawa niyang ina kaya tinangka nitong awatin.
Pero ayaw umanong magpaawat ng biktima, sa halip ay lalo pang sinuntok at tinadyakan pa ang kanyang misis kaya napilitang dumampot ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek na subject ngayon sa ginagawang pagtugis ng mga awtoridad.
- Latest