Malonzo, Edu isasama ng Gilas sa Doha
MANILA, Philippines — Misyon ng Gilas Pilipinas na makapaghanda sa mismong 2025 FIBA Asia Cup kasama ang mga nagbabalik na manlalaro imbes na sa natitirang laro ng Qualifiers sa pagsali nito sa Doha Invitational Cup sa susunod na linggo.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, pagkakataon ang Doha training camp para sa Gilas na maibalik sa sistema at porma sina Jamie Malonzo at AJ Edu na magbabalik sa line-up matapos ang kani-kanilang mga injuries.
Hindi nakalaro sa mga nakalipas na windows si Malonzo dahil sa calf injury pati na rin si Edu mula sa knee injury subalit nagawa pa rin ng Gilas na walisin ang apat na laro sa Group B papasok sa huling window.
“The basic thing is, we’re using this Doha trip as a chance to prepare, not for this immediate window because we have already qualified, but as a preparation for the FIBA Asia in August,” sabi ni Cone.
“We’re not 100 % sure of how many preparation days we’ll have in August, so this Doha trip will be a chance to integrate the previously injured guys, AJ and Jamie, and play games with them, as well as learn to adjust to playing without our key guy, Kai Sotto,” dagdag nito.
Malaking tulong sa Gilas ang pagbabalik ng dalawang players lalo’t hindi nila makakasama si 7-foot-3 Kai Sotto pati si Japeth Aguilar.
Inaasahang papalit sa puwesto nila sina Troy Rosario at Mason Amos, habang gumaling na sa ankle injury si Kevin Quiambao para sa solido pa ring puwersa ng mga bataan ni Cone.
Lilipad pa-Doha ang Gilas sa Pebrero 13 upang lumahok sa 2nd Doha Invitational Cup kontra sa host Qatar, Lebanon at Egypt sa Pebrero 15 hanggang 17.
Maagang preparasyon nila ito sa Asia Cup.
- Latest