Ika-7 sunod na panalo target ng Petro Gazz vs Capital1
MANILA, Philippines — Ang pang-pitong sunod na panalo ang target ng Petro Gazz sa pagsagupa sa Capital1 Solar Energy sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Gazz Angels ang Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at Farm Fresh Foxies sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Solo ng Creamline ang liderato bitbit ang 8-0 record kasunod ang Petro Gazz (7-1), Cignal HD (6-3), PLDT (6-3), Choco Mucho (6-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-5), Farm Fresh (4-5), Galeries Tower (1-8), Capital1 (1-8) at Nxled (1-8).
Huling tinalo ng Gazz Angels ang Thunderbelles, 25-20, 24-26, 28-26, 25-20, tampok ang 27 points at 15 excellent digs ni Brooke Van Sickle.
“We wanna win, and it’s gonna be hard. We have to try everything we can. I think everyone has that mentality—everyone’s stepping up, and everyone’s doing a fantastic job.” sabi ng Fil-Am star spiker.
Nagdagdag si Myla Pablo ng 22 markers, habang may 10 points si Fil-Am MJ Phillips.
Pipilitin naman ng Solar Spikers na wakasan ang kanilang limang dikit na kamalasan para mapaganda ang baraha.
Nagmula sila sa 12-25, 15-25, 17-25 kabiguan sa HD Spikers.
Sa gagamiting FIVB Classification system ay lalabanan ng anim na top teams ang anim na nasa lower bracket sa knockout round pagkatapos ng eliminations.
- Latest