UST women’s volley inaalat
MANILA, Philippines — Panibagong dagok na naman ang dumapo sa University of Santo Tomas (UST) bago magsimula ang UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa Pebrero 15.
Bangas ang lineup ng Golden Tigresses matapos magtamo ng injury si Xyza Gula dahilan para hindi na ito makapaglaro sa nakatakdang pagbubukas ng liga.
Si Gula ang ikalawang ace player ng UST na nabangas kung saan una nang nawala si wing spiker Jonna Perdido na nagtamo naman ng anterior cruciate ligament (ACL) injury kamakailan.
Sina Perdido at Gula pa naman ang ilan sa mga aasahan sana ng Golden Tigresses sa season na ito.
Dahil dito, maiiwan ang pasanin kay Rookie of the Year awardee Angge Poyos kasama sina Regina Jurado, Cassier Carballo at Detdet Pepito.
Hindi lang UST ang papasok sa season na may bangas na lineup.
Kasama rin ang University of the East na magkakaroon ng major rebuilding matapos umalis ang ilang key players nito.
Wala na sa kampo ng Lady Warriors sina Casiey Dongallo, Kizzie Madriaga, Jelai Gajero at Jenalyn Umayam na nagpasyang lumipat sa University of the Philippines.
Paborito sa season na ito ang reigning champion National University at De La Salle University na magtatagpo agad sa opening day ng season.
- Latest