Coveta ipinalit na flag bearer para sa Asian Games
MANILA, Philippines - Pinangalanan kahapon ni PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia si 2012 windsurfing World Champion Geylord Coveta bilang flag bearer ng pambansang dele-gasyon sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Pinalitan ni Coveta ang 6’9” national basketball player na si Japeth Aguilar matapos mag-abiso ang Gilas ma-nagement na magpapahuli sila ng alis patungong Incheon Korea.
Sa Setyembre 19 magbubukas ang quadrennial meet pero ang Gilas Pilipinas ay sa Setyembre 23 pa aalis para magkaroon ng dagdag pahinga.
“He is a world champion and Asian champion,” wika ni Garcia sa isang text message. “I really wanted basketball but they declined. Coveta will be a good flag bearer.”
Inihayag naman ni PSC executive director Atty. Guillermo Iroy Jr. na naabisuhan na nila ang sailing association sa bagay na ito at sang-ayon sila sa desisyon kay Coveta.
Hinirang na world champion si Coveta sa larangan ng RS-One event na ginawa sa Boracay noong 2012.
Bilang isang world champion, inaasahan si Coveta na makakapaghatid ng medalya sa 150-kataong delegasyon.
Ang kompetisyon sa sailing-windsurfing ay magsisimula sa Setyembre 24.
Walang puknat ang ginawang paghahanda ng windsurfer sa Batangas upang matiyak na kondis-yon sa hamon ng ibang Asian surfers.
“Isa rin ang wind surfing na nag-request na maaga silang umalis para makita at makapag-ensayo sa venue at masanay sa klima sa Korea na ibinigay namin. We believe Geylord will be able to deliver a medal for the country,” naunang binanggit ni Garcia.
Bukod sa windsufing, sinasandalan pa para sa ginto ang delegasyon ng boxing, taekwondo, BMX cycling at bowling. (AT)
- Latest