‘Bagyong Pablo’ ‘di kinaya ng Highrisers

MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng ‘Bagyong Pablo’.
Hinataw ni Pablo ang huling dalawang puntos sa third set para kumpletuhin ang 25-18, 25-18, 25-22 demolisyon ng Petro Gazz sa Galeries Tower sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tumapos si Pablo na may 17 points mula sa 13 attacks, tatlong service ace at isang block para sa 9-1 record ng Gazz Angels tampok ang eight-game winning streak.
“Iyong momentum eh, gusto naming dalhin to close out the eliminations,” wika ng 31-anyos na veteran outside hitter.
Nag-ambag si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 15 markers at may 12 points si veteran Aiza Maizo-Pontillas.
“Sobrang marami pang miscommunication at iyon pa ang kailangan naming i-improve,” dagdag ng 36-anyos na si Maizo-Pontillas.
Nahulog ang Highrisers sa pang-limang dikit na talo para sa 1-9 marka.
Hindi nagpahuli ang Galeries Tower, nakahugot kay Jho Maraguinot ng 12 points, at ilang beses nakabangon mula sa malaking agwat at nakadikit.
Isa na rito ang kanilang pagbalikwas sa first set mula sa 6-15 pagkakabaon para makalapit sa 14-17.
Ngunit nagsanib-puwersa sina Maizo-Pontillas, Van Sickle at MJ Phillips para sa 25-18 panalo ng Gazz Angels.
Sa third frame ay nakabangon ang Galeries Tower buhat sa 18-21 pagkakaiwan para maghamon sa 22-23 sa likod nina Maraguinot at Roselle Baliton.
Ang dalawang sunod na hataw ni Pablo ang sumelyo sa straight sets win ng Gazz Angels.
- Latest