PVL AFC champions isasabak sa AVC
MANILA, Philippines — Malaki ang nakataya sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Ang mananalo kasi sa torneo ang kakatawan sa Pilipinas sa darating na inaugural AVC Women’s Champions League na idaraos sa bansa sa Abril 20 hanggang 27.
Ang PVL at Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang tatayong local organizers ng nasabing torneo na dating Asian Club Championships at inorganisa ng Asian Volleyball Confederation (AVC) katuwang ang Volleyball World.
Papayagan ang PVL champions at ang iba pang kasama sa 12-team field na humugot ng dalawang foreign guest players para sa kanilang 14-woman squads.
Swak na sa AVC Women’s Champions League ang mga champion teams NEC Red Rockets Kawasaki (Japan), Nakhon Ratchasima QminC (Thailand) at VTV Bình Ði?n Long An (Vietnam). Nakataya ang $50,000 prize money.
Ang top two finishers ang kukuha sa tiket para sa 2025 FIVB Club World Championships sa Agosto 22 hanggang Setyembre 7 sa Thailand.
Sa tournament format, ang mga koponan ay hahatiin sa tatlong grupo na may tig-tatlong tropa. Magbabakbakan sila sa loob ng walong araw para madetermina ang best women’s club team sa buong Asya.
- Latest