Solomon nag-withdraw sa KOVO
MANILA, Philippines — Nag-withdraw si National University opposite spiker Alyssa Solomon sa Korean Volleyball Federation (KOVO) Asian Quota Draft na idaraos sa Abril.
Nagdesisyon si Solomon na mag-withdraw sa KOVO Draft upang mapanatili ang amateur status nito sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Nakasaad sa patakaran ng UAAP na hindi maaaring lumahok ang sinumang atleta nito na naglalaro sa liga sa anumang draft ng isang professional league.
Kung itutuloy ni Solomon ang kaniyang KOVO draft application ay posibleng maapektuhan ang paglalaro nito sa UAAP.
Kaya naman minabuti na lamang na i-withdraw ang pagsabak ni Solomon sa KOVO Draft at ituon ang kaniyang atensiyon sa pagdepensa ng Lady Bulldogs sa kanilang korona sa UAAP.
Napaulat na tatlong miyembro ng UAAP ang pumuna sa pagsali ni Solomon sa KOVO Draft.
Ngunit hindi malinaw kung anong mga teams ang nag-raise ng naturang usapin.
- Latest