15-game losing slump tinapos ng Nxled
![15-game losing slump tinapos ng Nxled](https://media.philstar.com/photos/2025/02/08/pvl_2025-02-08_21-17-15.jpg)
MANILA, Philippines — Nagtapos na ang league-worst 15-game losing slump ng mga Chameleons.
Ito ay matapos takasan ng Nxled ang Galeries Tower, 25-20, 19-25, 25-14, 25-23, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ito ang unang panalo ng Chameleons ni Italian coach Ettore Guidetti para sa 1-8 baraha kapareho ng marka ng Highrisers na bagsak sa ikaapat na dikit na kabiguan.
“It feels good. It makes me wonder to have more. I’ve waited for I think four to five months to get the first victory,” wika ni Guidetti sa una niyang panalo sa PVL.
Pumalo si EJ Laure ng 19 points mula sa 14 attacks at limang blocks at nagdagdag sina Chiara Permentilla at May Luna ng 14 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Siyempre, sobrang happy lang talaga kami ngayon na finally nakuha na din namin iyong first win namin,” ani Laure.
Naglista si Janel Maraguinot ng 12 excellent sets para sa kanilang opensa.
Ang huling panalo ng Nxled ay laban din sa Galeries Tower sa nakaraang PVL Reinforced Conference noong Hulyo.
Nagsumite si Jho Maraguinot ng 14 points kasunod ang 11 markers ni Grazie Bombita para sa Highrisers na nakatabla sa second set.
Nakabawi ang Chameleons at kinuha ang 25-14 panalo sa third frame bago nagkapit-kamay sina Laure at Permentilla sa fourth set para sa kanilang 24-23 bentahe.
Sinelyuhan naman ni Luna ang panalo ng Nxled.
Target ng Chameleons ang una nilang back-to-back wins sa pagharap sa Choco Mucho Flying Titans sa Pebrero 13.
- Latest