Hiyasmin (222)
“Noong una ay hindi ko pinapansin ang mga pagsulyap-sulyap sa akin ni Rashid. Naisip ko na baka nagtataka lang siya dahil maliksi akong kumilos sa mga gawaing bahay. Patingin-tingin siya habang naglalampaso ako ng sahig. Kapag naghuhugas ako ng pinggan ay pasulyap-sulyap. Pero hindi ko binigyang pansin. Baka ganun lang ang ugali ni Rashid na ayon sa aking among babae ay 21-anyos na raw. Tapos na raw ito ng pag-aaral at magsisimula ng magtrabaho sa isang kompanya.
“Hindi ko pinapansin ang mga pagsulyap-sulyap ni Rashid. Siguro nga ay humahanga lang siya dahil maliksi akong kumilos at tila hindi napapagod kahit na maraming trabaho.
“Pero minsan na wala ang amo kong lalaki at babae dahil nasa trabaho ang mga ito, nilapitan ako ni Rashid at kinausap sa putul-putol na English. “How are you, Lira? Are you okey?’’ tanong nito.
“I’m okey. Thanks,” sagot ko.
“Yun lang ang sinabi niya at lumayo na sa akin. Pero nang sumunod na araw ay ganun uli ang ginawa ni Rashid. Kinumusta ako. Okey daw ba ako. Bakit daw hindi ako nagpapahinga at laging nagtatrabaho. Sagot ko naman, hindi ako napapagod at kaya naman ang mga gawain. Napangiti si Rashid at iniwan na ako.
“Ang sumunod na pangyayari ang naka-shock sa akin. Isang umaga habang nagpupunas ako ng hagdan, lumapit siya at may hawak na platito na may lamang cake. Kumain daw ako dahil kanina pa raw ako nagtatrabaho.
“Hindi ko malaman ang gagawin sa pagkakataong yun. Hindi ako makakilos habang iniaabot ang platitong may cake. Siguro’y lumipas ang dalawang minuto bago ako nakakilos at nakapagsalita. Nagpasalamat ako kay Rashid. Matapos iyon ay umalis na si Rashid.
“Hanggang isang araw, may ipinagtapat sa akin si Rashid. Gusto raw niya ako.”
(Itutuloy)
- Latest