Lalaki na ‘mukbang streamer’, namatay sa sobrang katabaan!
NAMATAY ang 24-anyos na Turkish TikToker na si Efecan Kultur matapos ang matagal na pakikipaglaban sa mga komplikasyon dulot ng obesity o sobrang katabaan.
Si Kultur ay sumikat sa TikTok sa kanyang “mukbang” videos, kung saan nagpapakitang-gilas siya sa pagkain ng napakaraming pagkain sa harap ng kamera.
Ngunit ang labis na pagkain ay nagdulot ng malalang epekto sa kanyang kalusugan. Ayon sa ulat, tatlong buwan siyang na-confine sa ospital bago siya namatay noong Marso 7.
Dahil sa sobrang timbang, nagkaroon siya ng matinding hirap sa paghinga at pasa sa katawan, dahilan upang hindi na siya makapagpatuloy sa paggawa ng content.
Huli siyang nag-post sa YouTube walong buwan na ang nakalilipas, at ang kanyang pinakahuling mukbang video sa TikTok ay noong October 15, 2024, kung saan sinabi niyang sinusubukan niyang umiwas sa sobrang maalat na pagkain bilang bahagi ng kanyang diyeta.
Sa kanyang huling Instagram post bago pumanaw, ibinahagi niya ang isang larawan kasama ang kanyang mga tagapag-alaga, kabilang ang kanyang ina, na namatay rin noong nakaraang taon.
Bagamat patok ang mukbang videos sa social media, maraming eksperto ang nababahala sa epekto nito sa kalusugan. Ayon sa mga pag-aaral, ang labis na pagkain ay maaaring humantong sa obesity, sakit sa puso, at iba pang malulubhang komplikasyon.
Sa isang panayam, sinabi ng mga dietitian na maaaring mahikayat ang mga kabataan na gayahin ang labis na pagkain ng kanilang mga iniidolo sa internet. May mga kaso rin kung saan ang ilang mukbang influencers ay maaaring lihim na niluluwa ang kanilang kinakain at ini-edit ang kanilang mga video para magmukhang nakakakain sila ng mas marami.
Dahil dito, pinag-aaralan na ngayon ng gobyerno ng Turkey ang mga panukalang batas upang higpitan ang paggamit ng social media, lalo na para sa mga kabataang wala pang 16-anyos.
Ang nangyari kay Kultur ay isang babala sa lahat, lalo na sa mga mahilig sa pagmumukbang na ang labis na pagkain ay maaaring magkaroon nang matinding epekto sa kalusugan.
Habang patuloy na lumalaki ang impluwensya ng social media, mahalagang maging mapanuri ang mga manonood at bigyang-pansin ang tamang pagkain at malusog na pamumuhay.
- Latest