Pagaanin ang ‘pasanin’ ng mga kababaihan

Marami sa ating mga Pinay ang madalas na nakararamdam ng pananakit ng likod, balikat at leeg. Ngunit madalas, hindi ito nabibigyang-pansin. Kahit ako, minamaliit ko ang pananakit at pangangalay. Ang ilan naman, iniisip na bahagi lamang ito ng pagtanda. Ngunit kung pababayaan, maaaring lumala ang mga kundisyong ito at magdulot ng matinding sakit na maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na buhay.
Dahil sa ating pangangatawan bilang babae at sa ating lifestyle, mas mataas ang tsansa na makaranas ng ganitong mga problema sa kalusugan. Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, hikayatin natin ang isa’t isa na alagaan ang ating sarili at huwag ipagsawalang-bahala ang ating mga nararamdamang kirot.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng adbokasiya para sa karapatan at kalusugan ng mga kababaihan ay ang pamamahagi ng tamang impormasyon tungkol sa ligtas at epektibong mga paraan upang mapangalagaan ang ating kalusugan. Mahalagang malaman ng ating mga KasamBuhay kung bakit hindi natin ito dapat balewalain. Ano ang mga maaaring maging epekto nito, at paano natin ito maiiwasan at magagamot nang epektibo?
Kababaihan para sa kababaihan
Tulad ng maraming kababaihan, madalas kong ipinagwalang-bahala ang mga pananakit ng likod, balakang, balikat at leeg sa pag-aakalang mawawala rin ang mga ito. Ngunit may mga pagkakataong hindi na talaga makayanan ang sakit.
Sa aking paghahanap ng permanenteng solusyon, nakilala ko si Dr. Lauren Anne Liao, isang espesyalista sa Rehabilitation Medicine mula sa Health Cube Medical Clinics. Ipinaliwanag ni Dr. Liao na ang madalas na sanhi ng mga pananakit na ito ay ang muscle strains na dulot ng mabigat na mga bag at iba pang mga gamit na ating bitbit, maling paraan ng pagbubuhat, at sobrang pagod. Dapat daw gamutin agad ang mga ito dahil kapag tumagal, mas mahirap at mas matagal na ang kailangang gamutan.
Ang mga pang-araw-araw na gawain tulad ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay sa bahay at opisina o pag-aalaga sa mga bata ay maaaring magdulot ng labis na stress sa ating spine o gulugod. Ang maling technique sa pagbubuhat o pagdadala ng mga bagay ay madalas na humahantong sa myofascial pain syndrome, na nagbubunga sa ‘trigger points’ o buhol-buhol na muscles. Mas kilala natin ito bilang mga 'lamig'.
Naitanong ko rin kung kailan dapat humingi ng medikal na atensyon sa halip na umasa lamang sa masahe at home remedies. Ayon kay Dr. Liao, may ‘red flags’ na dapat bantayan.

Kapag ang pananakit ng likod o leeg ay nakakaapekto na sa pagtulog at posture, kung ito ay tila gumagapang na sa buong likod at spine natin, nagdudulot ng pamamanhid at panghihina, o hindi tinatablan ng gamot, dapat kumonsulta na tayo sa doktor. Kung tuluy-tuloy na mapabayaan, maaari pang lumala ang ating kondisyon at humantong sa degenerative changes sa muscles at maging disc bulges.
Abot-kamay ang ginhawa
Sinubukan ko muna ang physical therapy ng ilang linggo. Pero dahil matagal na ang mga pananakit na aking naramdaman at ayaw mawala, sinubukan ni Dr. Liao ang ultrasound-guided hydrorelease sa akin. Ininiksyunan ako ng saline water upang paghiwalayin ang muscle fascia, o ang pagdidikit-dikit ng mga muscle na siyang nagdudulot ng pananakit. Agad namang nawala ang kirot at guminhawa ang aking pakiramdam.

Bukod dito, ginamit din niya ang wet at dry needling upang ma-target ang mga lamig sa likod ko. Paliwanag niya, “ang layunin ng needling ay putulin ang muscle spasms at mas pabilisin ang pagre-relax ng mga kalamnan.”
Sa totoo lang, mas mabilis kong naramdaman ang ginhawa mula sa hydrorelease kumpara sa 12 sesyon ng physical therapy na aking dinaanan. Gayunpaman, binigyang-diin ni Dr. Liao na hindi dapat ituring ang hydrorelease bilang unang lunas.
“Kadalasan, ito ay bahagi lamang ng isang mas malawak na programa ng physical therapy. Kailangan nating matukoy ang pinagmulan ng sakit sa pamamagitan ng masusing pagsusuri at diagnostic tests,” paliwanag niya. “Ang tamang ehersisyo, gamot, at pag-aalaga sa posture ay mahahalagang bahagi ng paggagamot.”

Karaniwan na ang low back pain (LBP). Nakakaapekto ito sa humigit-kumulang 619 milyong tao sa buong mundo kung saan karamihan ay kababaihan. Sa taong 2050, tinatayang aabot ito sa 843 milyon.
Kapag hindi maagapan, maaaring humantong ang malimit na LBP sa malalang spinal conditions, panghihina ng kalamnan, pagbawas ng flexibility, at permanenteng pinsala sa ating nerves, kung saan maaaring kailanganin ang operasyon. Mataas din ang panganib na magkaroon ng komplikasyon sa buto, lalo na sa post-menopausal na mga Pilipina na may osteoporosis.
Ang tamang posture at paggalaw ay napakahalaga. Siguraduhing tuwid ang likod habang nakaupo, nakatayo, at nagbubuhat ng mga bagay. Ang pag-iwas sa pagyuko habang gumagamit ng cellphone o laptop, pati na rin ang paggamit ng backpack sa halip na shoulder bag ay makatutulong upang mapanatiling malusog ang ating likod.
Ang pagpapalakas ng core at back muscles sa pamamagitan ng ehersisyo tulad ng planks, side planks, at leg raises ay epektibong paraan upang mapanatiling matibay ang ating gulugod.

Mahalaga rin ang malusog na pamumuhay — ang tamang timbang ay nakababawas ng strain sa likod, ang pagkain ng pagkaing mayaman sa calcium ay nakapagpapalakas ng buto, at maging ang pagsusuot ng tamang sapatos ay nakatutulong sa tamang posture sa araw-araw.
Ang pananakit na nararamdamin natin sa likod, leeg o sa spine ay hindi lamang simpleng kirot. Ito ay nagiging sagabal sa ating pang-araw-araw na gawain at sa pangmatagalang kalusugan ng ating katawan. Ang pagbabalewala sa sakit ngayon, maaaring humantong sa mas malalang komplikasyon sa hinaharap.
Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Kababaihan, pagtuunan natin ng pansin ang kalusugan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pamamahagi ng tamang kaalaman para mapangalagaan ito. Magtulungan tayo upang mabigyan ng lakas ang ating kapwa Pilipina at mga KasamBuhay na pangalagaan ang kanilang kalusugan at mamuhay nang walang sakit.
----
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa editorial@jingcastaneda.ph.
- Latest