^

PSN Opinyon

Proud ako sa mga programang nagdudugtong ng buhay

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Hindi puro imprastraktura o kagamitan ang naging puso ng aking brand of service sa nakalipas na walong taon. Hindi ang dami ng naipagawang community center, eskuwelahan o nabiling equipment ang nakapagbibigay sa akin ng labis na fulfillment, kundi ang dami ng  #ProudMakatizens na nabago natin ang buhay para sa ikabubuti nila.

Mahigit 19,000 kidney patients na may Yellow Card ang nabigyan na ng libre at unli-dialysis treatment mula 2020. Yes po. Libre lahat at walang limit ang dialysis sa Makati kahit noong mga panahong kakaunti pa lamang ang kino-cover ng PhilHealth na dialysis sessions.

Isipin ninyong nakapag-sponsor na tayo ng 166,677 sessions mula January 2020 hanggang sa unang quarter ng 2024.

Para sa pamilya at mahal sa buhay ng bawat isang pa­s­yenteng ito, hindi lang simpleng libreng gamot at treatment ang aming ibinibigay: pandugtong-buhay at totoong life saving­ procedure ito para sa mga taong walang kakayahang magbayad ng malaking halaga para sa bawat dialysis session.

Bukod sa dialysis sa Ospital ng Makati, mayroon tayong accredited partner kung saan puwede ding regular na magpa-dialysis ang ating mga Yellow Card holder. Kailangan lamang­ nilang komunsulta muna sa OsMak para mabigyan ng LOA na siya naman nilang ipapakita sa ating partner dialysis center.

Ang OsMak din ang magtatalaga kung isa, dalawa, o tatlong beses kada linggo ang kailangan nilang dialysis, gayundin kung ano ang mga gamot na dapat kasama sa bawat session. Hindi pare-pareho ang halaga ng nagagastos sa bawat session, depende ito kung may mga espesyal na gamot na kailangang ibigay sa pasyente o kung may mga labs o procedure pa na kailangang gawin sa kanya.

Gaano man kalaki ang bill sa dialysis ng ating Yellow Card holders, wala silang ginagastos. Dahil dito ay siguradong tuluy-tuloy ang dialysis treatment pati na rin ang pag-take ng mga espesyal na gamot para ma-manage nang mabuti ang kanilang karamdaman.

Hindi death sentence ang pagda-dialysis. Marami tayong pasyente na nadugtungan pa ang buhay ng maraming taon dahil sa regular na sessions at sa pag-aalaga ng ating mga espesyalistang doktor sa OsMak. Dahil sa regular na dia­lysis sessions, maraming Proud Makatizens ang nakaka­pag­tra­baho pa rin at nanatiling productive members ng komu­nidad.

Masarap isipin na nakapagbibigay tayo ng pag-asa sa mga pamilyang mayroong ganitong karamdaman ang isang mahal­ sa buhay. Bukod sa dialysis, nagbibigay din ng libreng chemo­therapy sessions ang lungsod sa cancer patients. Kum­pleto rin ang ating laboratory at diagnostic testing para sa maagap at masusing pag-e-examine ng mga pasyente.

Sa nalalapit na pagtatapos ng aking huling termino, mas mahalaga sa aking malaman na maraming buhay ang aking nabago, may mga pamilyang natulungang makatawid sa pang araw-araw, at nakapagbigay ako ng inspirasyon at pag-asa sa mga walang-wala.

Para sa akin, ito ang totoong sukatan ng matagumpay na paglilingkod.

vuukle comment

MAKATI

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with