Gen. Matta, lipulin mo sindikato ng droga!
MULA nang umupo sa Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) si BGen. Eleazar Matta, sunud-sunod na ang pagkadakip sa mga miyembro ng drug syndicates.
Kamakailan, nalambat ni Matta ang mga Pakistani na sina Zahid Rafique Pasha at Akram Muhammad at nakuha sa kanila ang mga party drug na Ketamine na nagkakahalaga ng P235 milyon.
Palagay ko, hindi nagkamali si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa paghirang kay Matta para matuldukan ang pamamayagpag ng droga sa bansa.
Kilala ko si Matta dahil matagal akong nagkober sa Manila Police District kung saan siya naka-assigned. Subok ko na ang kakayahan niya na maglingkod sa sambayanan.
At ngayon na isa na siya sa may pinakamahalagang puwesto sa PNP, nasisiguro kong hihigitan pa niya ang pagtatrabaho para maging matagumpay ang kampanya kontra droga sa buong bansa.
Isa sa dapat wasakin ni Matta ay ang drug syndicate na ginagamit ang RoRo transport para maitawid ang droga sa Western Visayas. Nalaman ko, talamak ang ang pagdagsa ng droga na nagmumula sa iba’t ibang panig ng bansa at isinasakay sa mga RoRo.
Ngayong nabigyan ko na ng tips si Matta, dapat trabahuhin na niya ito. Hindi na siya mahihirapan sa pagdakma sa mga miyembro ng sindikato. Ang dapat na lang gawin ni Matta ay magtalaga ng mga tauhan sa mga pantalan.
Pag-ibayuhin ang pagmamatyag sa mga terminal ng mga bus, cargo trucks at maging sa mga kargahan ng seafood products. Sa tingin ko, sa mga pantalan ipinadaraan ang supply ng droga sa mga lalawigan sa pamamagitan ng pagsasakay sa RoRo vessels.
Kilos na General Matta. Hulihin ang mga sindikato ng droga na ang target ay ang Western Visayas. Maraming kabataan ang masisira ang kinabukasan kapag hindi nalipol ang mga sindikato ng illegal na droga.
- Latest