^

PSN Opinyon

Sadya

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

NAGLABAS ng pahayag si Defense Sec. Gilbert Teodoro na hindi aksidente ang naganap na insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at Philip­pine Coast Guard. Sinadya raw ito ng CCG. Kontra ito sa pa­hayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Tila pina­liliit kasi ang naganap na insidente kung saan hinarang nang husto ang mga bangka ng AFP na magdadala ng mga suplay sa BRP Sierra Madre. Naputulan pa ng daliri ang isa nating sundalo.

Kitang-kita sa video na may mga hawak na palakol at patalim ang mga CCG. Binutas pa ang isang bangka ng AFP at kinumpiska ang mga kagamitang komunikasyon, pati mga armas. Sa mata ng mamamayan, seryoso ang naganap. Naghain na ng protesta ang Pilipinas pero sigurado wala itong epekto sa Beijing.

Hindi na raw iaanunsiyo ang mga rotation and resupply mission (RORE). Pero dahil mas moderno ang kagamitan ng CCG, baka malalaman din nila kaagad kung may mga barkong patungong Ayungin. Hindi ako magtataka kung ganun pa rin ang gagawin sa kanila ng CCG.

Nanindigan naman ang gobyerno na hindi nila kaila­ngang magpaalam kung magsisigawa ng RORE sa Ayu­ngin. Hindi rin daw sila ang magsisimula ng kahit anumang karahasan. Hindi sa Pilipinas manggagaling ang unang putok ng baril. Sana lang ay hindi malagay sa peligro naman ang ating mga sundalo.

 Habang sinusulat ang kolum na ito, may ulat na may malaking barko ng CCG ang lumayag malapit sa Sierra Madre. Sa tingin ko pagbabanta at pananakot ito sa Pilipinas matapos ang insidenteng naganap sa Ayungin.

Dehado talaga ang bansa pagdating sa mga barko, pero hindi naman puwedeng itigil ang RORE at kailangan ng mga sundalong naka-istasyon sa Sierra Madre.

Kailangang panindigan ang karapatan natin sa Ayungin, kahit halos lasog-lasog na ang Sierra Madre. Matagal nang nanggagalaiti ang China na matanggal ang Sierra Madre. Nagsinungaling pa nga na may kasunduan daw na tanggalin na ng Pilipinas.

 Hindi ako naniniwalang tatanggalin sa pamamagitan ng puwersa ng China ang Sierra Madre. Tatakutin at babantaan lang ang lahat ng RORE missions na isasagawa ng AFP.

Ayon sa ilang eksperto, hinihintay ng China na tuluyang gumuho ang Sierra Madre para masakop na nila ang Ayungin Shoal. Kaya pursigido ang kanilang pagharang sa mga RORE. Mas lalong mahalaga ngayon ang mga RORE. Hindi sila dapat matakot sa mga kilos ng China.

vuukle comment

AYUNGIN SHOAL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with