^

PSN Opinyon

Ano ang totoong Yaman ng OFW?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Para sa maraming overseas Filipino worker, hindi lang sa kinikita nilang pera sa ibang bansa matatagpuan ang tunay na kayamanan. Mahihiwatigan ito sa kanilang mga karanasan, aral na natutuhan, kabiguan, tagumpay, pagsubok, pakikibaka at iba pang bagay na nakaharap nila sa pakikipagsapalaran sa dayuhang lupain.

Sa edad na 16 anyos, ang seafarer na si Pelagio Santander ng Tabaco City, Albay ay nagsimulang magtrabaho bilang trainee sa isang barko makaraang mag-aral ng anim na buwang Basic Seaman course. Pagkaraan ng isang taon, naging messman siya bago na‘promote’ bilang assistant chief cook sa  Stolt Nielsen Company.

Lumaking mahirap si Santander. Ayon sa kanyang kuwento sa Philippine Information Agency, pito silang magkakapatid na nagsisiksikan noong araw sa isang maliit na kama sa isang barong-barong na butas ang bubong. Sa mura niyang edad, umiiyak siyang nakikiusap sa kanyang ina na pag-aralin siya sa eskuwelahan pero walang magawa ang kanyang mga magulang dahil sa sobra nilang kahirapan sa buhay noon. Kinalaunan, nang lumaki siya at magkapamilya, nangako si Santander at asawa niyang si Rebecca na pagtatapusin nila ng pag-aaral ang sarili nilang mga anak. Nakita ng kanilang mga anak ang mga sakit at luhang naranasan ng kanilang mga magulang kaya pinahalaga nila ang perang ibinibigay sa kanila ng mga ito at sinuklian nila ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti at pagtulong sa mga pagsisikap ng kanilang ama at ina. Sa loob ng 33 taong pagtatrabaho ni Santander bilang OFW, napagtapos niya ng pag-aaral ang kanyang mga anak. Meron na ngayong mga trabaho ang kanyang mga anak habang ang maybahay niya ay na-ngangasiwa ng kanilang mga negosyo at pamumuhunan.

Nagawang makasama ni Ramon De Leon ng Talisay, Camarines Norte ang kanyang pamilya sa Dubai, United Arab Emi-rates dahil pinayagan siya ng kanyang kumpanya doon. Noong 1999 una siyang nagtrabaho bilang pump operator sa UAE bago naging superbisor sa isang oil company sa Dubai. Noong nasa Pilipinas pa ang kanyang pamilya, taon-taon siyang umuuwi sa mga ito para makasama sila sa pagdiriwang ng kapaskuhan at Bagong Taon. Naniniwala si de Leon at ang kanyang misis na ang tunay na kayamanan ay hindi sa pera kundi sa edukasyon. Nagsikap silang mabuti para mabigyan ng mahusay na edukasyon ang kanilang mga anak na nagtapos ng mga honor student at nagtagumpay sa kani-kanilang propesyon. Habang isinusulat ito, sina de Leon at kanyang pamilya ay nasa kanilang lalawigan, namamahala ng isang gasolinahan at aktibo sa iba’t ibang organisasyong sibiko at pang-OFW.

Unang nagtrabaho bilang nurse sa Dubai si Helen Balirete ng lalawigan ng Leyte. Kinalaunan, naging food safety quality manager siya sa Marriot Hotel and Intercontinental Hotel pagkatapos niyang mag-aral ng food safety management studies. Dahil dito, nagawa niyang makaipon ng pera na ipinuhunan niya sa iba’t ibang negosyong itinayo ng kanyang pamilya hindi lang sa Pilipinas kundi sa Dubai rin.

“Kailangan nating matutuhan kung paano makakaipon at gumasta lang sa mga mahahalaga at pangangailangan ng ating pamilya,” payo ni Balerite sa mga kapwa OFW sa isang ulat ng Philippine News Agency. “Malaki man ang suweldo mo, kung hindi mo ito pangangasiwaan ng mabuti, kakapusin ka pa rin.” Itinuturo rin niya ang ganitong kaisipan sa kanyang mga anak.

Tatlumpung taong nagtrabaho bilang kapitan sa isang cruise ship si Rufo Demiao ng Southern Leyte. Bilang OFW, nabigyan niya ng edukasyon at ng mga pangangailangan ang kanyang pamilya.

Idiniin ni Demiao ang kahalagahan ng madalas na komunikasyon sa pamilya para matiyak ang malakas nilang relasyon kahit magkalayo sila.

“Ang paglalaan ng oras sa pakikipag-usap sa pamilya ang isang mahalagang aspeto para manatiling malakas ang relasyon ng iyong pamilya. Nabubuo rito ang tiwala kahit milya-milya ang layo ninyo sa isa’t isa,” sabi ni Demiao sa PNA.

Ang nabanggit na mga OFW at ang kanilang pamilya ay kabilang sa mga regional winner na pagpipilian sa pambansang parangal para sa mga huwarang pamilyang OFW sa susunod na taon. Nitong nagdaang buwan ng Nobyembre ng taong ito, pinarangalan sila ng Overseas Workers Welfare Administration sa pamamagitan ng isang seremonya para sa 2023 Model OFW Family of the Year  Award (MOFYA).

Kakatawanin ng pamilya nina Santander at De Leon ang Bicol sa national level para sa sea-based category at land-based category, ayon sa pagkakasunod. Kakatawanin naman nina Balerite (land-based) at Demiao (sea-based) ang Leyte sa national search sa 2024.

“Layunin ng MOFYA na itampok ang mga pagsisikap ng ating mga OFW na mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang mga pamilya. Nais naming maisalaysay ang kanilang mga kuwento para maging inspirasyon sa kapwa nila OFW,” paliwanag ni OWWA Bicol Director Zenaida S. Ramos. Napili anya ang mga pamilya batay sa tagumpay sa edukasyon o propesyon ng OFW o ng kanilang pamilya at sa panga-ngasiwa sa pinansiyal ng pamilya.  Kasama rin dito ang aktibong pakikisangkot ng pamilya sa komunidad at ugnayan at suporta sa isa’t isa ng pamilya.

* * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with