15 tripulante ng tanker timbog
![15 tripulante ng tanker timbog](https://media.philstar.com/photos/2025/02/09/1_2025-02-09_08-05-58.jpg)
800K litro ng puslit na diesel
MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan National Bureau of Investigation (NBI) ang 15 tripulante na nahuli sa aktong nagpupuslit ng nasa 800,000 litro ng diesel mula barko at isinasalin sa tanker sa Mariveles, Bataan.
Ayon sa ulat kay NBI Director Jimmy Santiago, kabilang sa nadakip ang isang kapitan na wala umanong lisensya at unang pagkakataon pa lang maglayag ng barko na ginamit sa paghakot ng diesel mula sa isang mas malaking barko na pinupuntahan sa laot.
Dawit din ang driver ng mga truck na pinaglipatan ng diesel.
Madaling araw ng Biyernes nang maaktuhan ng mga ahente ng NBI ang operasyon sa paglilipat ng diesel at nakuhang ebidensya ang mga nakasalansan na mga hose na nakakabit sa barko.
Inaalam pa kung saang bansa galing ang puslit na diesel na ang distributor ay isang barko na may markings na Chinese characters.
Kasama rin ng NBI ang Bureau of Customs (BOC) na kumuha ng sample para sa pagbuo ng isasampang kaso kaugnay sa pagpapalusot sa pagbabayad ng buwis.
- Latest