Abalos at LTFRB nagpulong sa fuel subsidy ng mga trike driver
MANILA, Philippines — Nakipagpulong si dating Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba’t ibang samahan ng tricycle operators at drivers (TODA) sa Metro Manila upang pag-usapan ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapabilis ang pagpapalabas ng fuel subsidy na nakalaan para sa mga tricycle driver.
Kabilang ang mga tricycle driver sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy mula sa pambansang pamahalaan bilang tulong sa harap ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Bagama’t matagal nang natanggap ng ibang pampublikong transportasyon ang kanilang fuel subsidy, marami pa ring tricycle driver ang hindi pa rin nakatatanggap ng nasabing ayuda.
Ayon kay Abalos, kasama niya sa naturang pulong ang mga opisyal at lider ng iba’t ibang samahan ng tricycle operators at drivers (TODA) sa Metro Manila, kabilang na ang LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
“Ang naging problema dito ay ang pagpapalabas ng fuel subsidy ay idinaan sa e-wallet, at karamihan sa ating mga tricycle driver ay wala namang smartphone. Ang naging resulta, hindi nila ito makuha,” ani Abalos.
Dahil sa mga problemang ito, may ilan nang tricycle driver ang sumuko sa paghahabol ng kanilang fuel subsidy. Ngunit ang United Federations of Tricycle Operators and Drivers Association (UF-TODA) na pinamumunuan ni Ace Sevilla ay lumapit kay Abalos upang humingi ng tulong.
Batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr), nasa 600,000 tricycle driver sa buong bansa ang benepisyaryo ng one-time fuel subsidy na ipamamahagi bilang cash assistance.
- Latest