Most wanted sa EPD, huli
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Pasig police ang isang helper na itinuturing na wanted ng mga awtoridad dahil sa kinakaharap na kasong murder sa piskalya.
Ang naarestong suspek ay kinilala lamang sa alyas na ‘Bebot’, 25, helper at residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Siya ay itinuturing na Top 1 most wanted person (MWP) ng Eastern Police District (EPD) para sa unang quarter ng CY 2024 sa ilalim ng Coplan ‘Decibel.’
Batay sa ulat, si Bebot ay inaresto ng joint personnel ng Pasig City Police Station Intelligence Section at RMFB4A 404th A Maneuver Company, dakong alas-2:15 ng madaling araw sa Manila Gravel Pit Road, Brgy. Commonwealth Bayanihan, Quezon City, sa ikinasa nilang manhunt operation.
Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa intelligence network hinggil sa kinaroroonan ng suspek.
Hindi naman nakapalag pa ang suspek nang arestuhin ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Rowena de Juan Quinagoran, Presiding Judge ng Pasig City Regional Trial Court Branch 166 dahil sa kasong pagpatay.
Wala namang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng suspek, na pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Pasig City Police habang hinihintay pa ang commitment order laban sa kanya ng hukuman.
- Latest