Libu-libong deboto dumagsa na sa ‘Pahalik’
No-fly, no-sail zone sa Traslacion
MANILA, Philippines — Ipinaiiral na ngayon ng mga awtoridad ang ‘no-fly zone’ at ‘no-sail zone’ sa ruta ng Traslacion 2025, habang ipatutupad na rin ang gun ban at liquor ban upang masiguro ang maayos, ligtas at mapayapa ng pagdaraos ng mga aktibidad para sa pista ng Poong Nazareno bukas, Enero 9 .
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), sinimulan na nilang ipatupad ang no-sail policy nitong Lunes, Enero 6 na mananatili hanggang sa Biyernes, Enero 10.
Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Thomas Ibay, ipinatutupad na ang ‘no-fly zone’ o pagbabawal sa pagpapalipad ng ng eroplano sa lugar at maging ng mga drones na bahagi pa rin ng security preparations ng PNP
Nagsimula na rin umiral kaninang madaling araw ang gunban na epekto hanggang 11 at liquor ban na epektibo hanggang Enero 10.
Una nang idineklara ng Malacañang na special non-working day ang Enero 9 sa lungsod ng Maynila.
Patuloy ang pagdagsa ng mga deboto sa Quirino Grandstand sa Maynila kasabay ng ‘Pahalik’ sa Pista ng Poong Hesus Nazareno hanggang bukas na susundan ng Traslacion.
Nabatid na mas pinaaga ang Pahalik na sinimulan ganap na alas-12:00 ng madaling araw kahapon upang mas maraming deboto ang makadalaw sa Nazareno.
Ayon kay Manila Police District (MPD) chief PBGen Thomas Ibay, hatinggabi pa lamang ay nasa 600 deboto na ang nasa venue ngunit bahagya aniya itong nabawasan pagsapit ng alas-7:00 ng umaga.
Inaasahan naman ni Ibay na lalo ang darami ang mga taong pipila para sa pahalik ngayong Miyerkules hanggang Huwebes, kung kailan idaraos naman ang Traslacion 2025 o ang prusisyon upang ibalik sa Quiapo Church ang imahe, na inaasahang lalahukan ng millyun-milyong deboto.
Samantala, paalala naman ni Nazareno 2025 Feast Adviser Alex Irasga, hindi na kailangan pang halikan ang Nazareno bagamat ‘Pahalik’ ang tawag dito. Maaari namang magdala ng panyo at ipupunas sa Nazareno.
Sa pamamagitan nito aniya, maiiwasan din ang pagkalat ng virus.
Panawagan naman ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga deboto, sumunod sa health protocols gaya nang pagsusuot ng face masks.
“Patuloy pa rin po sana na ipatutupad natin ‘yong handwashing, sanitizing, at kung maari po, kung hindi naman sagabal ay ang paggamit po ng facemask,” anang alkalde.
- Latest