‘All systems go’ sa Traslacion 2025 - NCRPO
MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Capital Region Police Office na handang handa na ang mga pulis sa pagbibigay ng seguridad sa Traslacion.
Ang paniniyak ay ginawa ni NCRPO chief Brig. Gen. Anthony Aberin kasunod ng pagpapakalat ng nasa 14,000 pulis mula sa iba’t ibang lungsod.
“After months of meticulous security planning and preparation, your NCRPO, together with partner agencies, is now ready to perform our task of securing the Feast of Jesus Nazareno 2025. I urge everyone to work together for a safe, secure and solemn celebration,” ani Aberin.
Mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa paggamit ng backpacks, payong, alcohol , baril at mga vendors sa paligid ng Quiapo Church.
Kaugnay nito, nasa 1,300 pulis mula sa Police Regional Office (PRO) 3 (Central Luzon) ang ipinadala ni PRO3 Director Brig. Gen. Redrico Maranan bilang suporta sa puwersa ng NCRPO sa entry at exit points sa Metro Manila.
Samantala, dalawang araw bago ang Traslacion, ininspeksyon ng mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Chairman Atty. Don Artes ang mobile command center at First Aid station sa Quirino Grandstand sa Maynila kung saan ginaganap ang tradisyonal na Pahalik upang matiyak na maayos na maaalalayan ang mga deboto.
Alas-10:00 ng umaga nang magtungo ang grupo ni Artes at pinadagdagan ng 10 tolda ang dati nang 30 tolda na inilatag sa Quirino Grandstand upang mas marami ang makasilong mula sa init o ulan, gayundin ang paglalagay ng mga plastic barrier bilang barikada upang matiyak na maayos ang pila.
Ang dumadagsang deboto na lalo pang titindi ang dami ng tao bago ang prusisyon sa Enero 9.
Naka-standby din ang emergency response para sa mga nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Naka-deploy din ang mga CCTV sa mga lugar kung saan daraan ang prusisyon para mamonitor ang sitwasyon ng trapiko at matiyak ang kapayapaan at kaayusan, sa pakikipagtulungan ng pulisya.
Tuluy-tuloy din ang isinasagawang clearing at cleaning operations upang maalis hindi lamang ang mga iligal na nakaparada na sasakyan kundi maging ang mga basura at iba pang sagabal sa kalsada, hinikayat niya ang publiko na itapon ang kanilang mga basura nang responsable lalo na sa panahon ng Traslacion.
- Latest