Guwardiya binoga mata, todas
MANILA, Philippines — Patay ang isang security guard nang barilin sa mata ng dalawang hindi pa kilalang lalaki na pumasok sa isang bus terminal sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.
Idineklarang dead on arrival sa Bernardino Hospital ang biktima ay nakilalang na si alias Baccay, 56, may live-in partner, security guard ng Top-Merit Security Agency at residente ng Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City.
Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU), bandang 1:58 ng madaling araw nitong Martes nang maganap ang pamamaril sa loob ng guard house ng Admiral Bus Terminal na matatagpuan sa No.6 Diamond St. Zabarte Ext., Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Angel T Pascasio III, nasa canteen umano ang kasamahang lady guard ng biktima na si alias MayLyn nang makarinig ng putok ng baril.
Pinuntahan ni Maylyn ang pinanggalingan ng putok para i-verify, ngunit tinutukan siya ng baril ng suspek na lumabas mula sa guard house at tumakas sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasama na nagsilbing lookout.
Agad na humingi ng tulong ang lady guard sa mga driver ng bus, at inireport ang nangyaring krimen sa mga opisyal ng Brgy. Kaligayahan at sa pulisya.
Nakuha ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Michael Jabel sa crime scene ang isang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng nangyaring pamamaril.
- Latest