DENR nagpaalala sa LGUs sa mga tambak na basura
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang local government units na tiyakin na maayos na maitatapon ang tambak na basura matapos ang holiday season.
Ginawa ng DENR ang pahayag matapos mamaho ang Maynila nang hindi mahakot ang basura sa lungsod dahil sa expired na ang kontrata nito sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa DENR, may kapangyarihan ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na imbestigahan at magrekomenda na kasuhan ng administratibo o kriminal ang mga pabayang LGUs sa ilalim ng Solid Waste Management Act.
“The NSWMC, the body tasked with ensuring compliance with RA 9003 will take appropriate action to ensure implementation of the law,” pahayag ng DENR.
Nakahanda naman ang DENR na bigyan ng technical assistance ang LGUs para magampanan ang tungkulin nito sa pagtatapon ng basura.
Ayon sa DENR, sa ngayon, 89 porsyento o 1,416 ng kabuuang 1,592 LGUs sa buong bansa ang mayroong solid waste management plans na aprubado ng NSWMC.
- Latest