Parak sa gun-toting viral video nagsuko ng armas
MANILA, Philippines — Nagreport na sa kanyang commander at nagsuko ng kanyang baril at badge ang isang pulis sa Quezon City na napanood sa isang video na nag-viral habang nagbibitbit ng baril sa isang away sa trapiko.
Nagreport si M/Sgt. Wilson Aquino sa Talipapa Police Station at dinisarmahan ng kanyang hepe na si P/Lt.Col. Benjie Gabriel.
Tinanggal din si Aquino sa kanyang puwesto sa PS-3 Tactical Motorcycle Reaction Unit at ililipat siya sa regional holding unit.
Napanood siya sa video na kumalat sa internet habang bumababa siya mula sa isang sport utility vehicle bitbit ang isang shotgun sa isang traffic altercation sa Commonwealth Avenue sa naturang lunsod noong Hulyo 26 na agad na nakarating sa kaalaman ng kanyang mga superior.
Binalaan ni Quezon City Police District Director P/Bgen. Joselito Esquivel ang kanyang mga tauhan na hindi niya pahihintulutan ang anumang mga ganitong pang-aabuso at anumang ganitong insidente ay imbestigahan.
Sinabi pa ni Esquivel na ang anumang pang-aabuso ay papatawan ng kaukulang aksyong pandisiplina at pinaalalahanan ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng proper decorum sa lahat ng oras.
Nahaharap si Aquino sa kasong grave threat at administrative charge of grave misconduct.
- Latest