Babaeng Chinese nagtangkang magpakamatay sa NAIA
MANILA, Philippines — Isang babaeng Chinese national ang nagwala at tinangka pang magpakamatay nang ma-offload sa pagsakay sa Philippine Airlines Flight PR 525 patungong Kuala Lumpur, Malaysia, sa NAIA Terminal 1, sa Pasay City, nitong Biyernes.
Nabatid na nagkaroon umano ng problema si Yafen Wun sa kaniyang dokumento kaya siya hinarang at naiwan ng kanyang flight dahil wala pa siyang exit clearance.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-6:50 ng gabi ng Oktubre 4, sa West Departure Curbside Area ng NAIA Terminal 1.
Nagtangka pang tumalon sa curbside ng departure area si Yafen na naagapan naman ng security guard na si Gian Carlo Andres, at kasunod na ito ng pagwawala at nagtatapon ng mga gamit, habang umiiyak at humiga sa parking space.
Napayapa rin siya at dinala sa police station.
Natukoy na ang pasahero ay nag-overstaying sa bansa kaya hinarang ng Immigration officers.
Kabilang si Wun sa mga manggagawa ng POGO na boluntaryong aalis ng bansa matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagsasara ng operasyon ng POGO sa kanyang state of the nation address.
Nakaalis na kahapon ng umaga si Wu.
Sa pamamagitan ng isang interpreter ng Philippine Airlines, napag-alaman na nagpahayag si Wun na gusto niyang umalis ng Pilipinas ngunit walang sapat na pera para pambayad sa pagproseso ng kanyang exit clearance.
Isang koordinasyon na ngayon ang ginagawa ng mga awtoridad sa paliparan sa Embahada ng Tsina.
- Latest