Dahil sa CCTV, karnaper huli sa QC
MANILA, Philippines — Arestado ng mga awtoridad ang isang sinasabing kilabot na karnaper matapos na makuhanan ng CCTV sa huling tinangay nitong sasakyan sa Brgy. Bungad, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Chief. Supt Joselito Esquivel Jr., Director ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Renato Gina, 20, ng Brgy. Bungad, Quezon City.
Ang suspek ay nadakip dakong alas-3:00 ng madaling araw makaraang tangayin nito ang kulay pulang motorsiklo ng biktimang si Rel Christian Ignacio na kanyang ipinarada sa harap ng kanyang bahay sa Miller Compound, Brgy. Bungad.
Inireport ni Ignacio sa Anti Carnapping Section ng QCPD ang pagkawala ng kanyang sasakyan kaya tiningnan ng pulisya ang mga nakalagay na CCTV sa lugar at doon nakita ang pagmumukha ng suspek.
Agad na nagsagawa ng follow up operation at Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (ACLEO) ang mga awtoridad laban sa suspek na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto sa Brgy. Bungad na naghahanap na naman ng panibagong biktima.
- Latest