Medialdea isinugod sa Hague hospital
MANILA, Philippines — Isinugod sa isang ospital sa The Hague si Atty. Salvador Medialdea, dating executive secretary noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng isang post sa Facebook, kinumpirma ng embahada ng Pilipinas sa The Netherlands ang pagdadala sa ospital kay Medialdea, 73, isa sa mga abogado ni Duterte sa kinakaharap nitong kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa embahada, nagtungo sa ICC Detention Center si Medialdea, dakong alas-8 ng umaga, oras sa Netherlands, para sa nakatakdang pagbisita kay Duterte.
Habang nagrerehistro sa reception counter bandang 8:55 ng umaga ay sumama ang pakiramdam ni Medialdea.
Agad na humingi ng tulong medikal ang embassy official na sumama kay Medialdia sa detention center kaya agad itong naisakay sa isang ambulansiya.
Kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa The Hague si Medialdea at ayon sa embahada ay nasa ospital din ang isang malapit nitong kamag-anak.
- Latest