Galvez, Duque unang magpabakuna
MANILA, Philippines — Hinamon kahapon ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sina Vaccine Czar at Coronavirus Chief Implementer Carlito Galvez, Jr., at Health Secretary Francisco Duque III na mauna nang magpaturok ng COVID-19 vaccine kapag dumating na sa bansa.
Ayon kay Go, mahihikayat ang mga mamamayan na magpabakuna kung mauuna sina Galvez at Duque.
“And I’m challenging Secretary Galvez, once available na po iyong safe na vaccine ay ipakita niya, along with Secretary Duque, sila po unang magpapaturok ng vaccine once safe para to encourage naman po,” ani Go.
Sinabi rin ni Go na uunahin pa ring maturukan ng bakuna ang mga mahihirap, mga frontliners, sundalo, guro at mga senior citizens.
“Kaya sa pag-uusap namin ni Pangulo, dapat mauuna po ang mga mahihirap at dapat po ay libre po ito. At pinaghahandaan naman po ito ng gobyerno,” ani Go.
Tiniyak din ni Go na nakalatag na ang mga gagawin ng gobyerno para matiyak na makakakuha ng bakuna ang Pilipinas.
“Puwedeng direct purchase; puwede rin pong government to government or multilateral loan; puwede rin pong ipi-finance po ito ng World Bank; at iba naman po iyong nanggagaling po sa private sa sector na iyong nilagdaan nila, na sila po mismo ang bibili ng mga vaccine para sa kanilang mga empleyado at kalahati po ay idu-donate nila,” ani Go.
- Latest