Disbarment case vs VP Sara inihain sa SC
MANILA, Philippines — Pormal nang sinampahan kahapon ng disbarment case sa Korte Suprema ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon si Vice President Sara Duterte upang matanggalan ng lisensiya bilang abogado.
Sa kanyang reklamo, hiniling ni Gadon sa Mataas na Hukuman na magsagawa ng motu proprio proceeding laban kay Duterte matapos ang mga naging pahayag nito laban sa Pangulo.
“Such statements coming from the second highest official of the land, seen and heard by millions of Filipinos are undoubtedly illegal, immoral, and condemnable,” nakasaad pa sa liham ni Gadon.
Aniya pa, “As a lawyer herself, she should be disbarred.”
Matatandaang kamakailan ay inamin mismo ni Duterte sa isang online news conference na may kinausap na siyang tao para patayin sina Marcos, kanyang maybahay na si First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez, sakaling may pumatay sa kaniya.
Giit pa niya, ito ay totoo at hindi biro lamang.
Malaunan, nilinaw ng bise presidente na hindi pagbabanta ang kanyang ginawa at ito ay ‘taken out of logical context’ lamang.
Samantala, nananawagan din si Gadon kay VP Sara na magbitiw na lamang sa puwesto dahil sigurado aniya siyang napipinto na rin itong mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Nauna rito, kinumpirma na rin ni Atty. Camille Ting, SC spokesman, na may natanggap silang anonymous complaint para sa disbarment ni Duterte dahil naman sa naunang bantang paghukay sa bangkay ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., at pagtatapon dito sa West Philippine Sea (WPS).
Dati na ring naharap sa disbarment case si VP Sara matapos na ireklamo dahil sa panununtok sa isang court sheriff noong 2011. Ang naturang kaso ay nakabinbin pa sa Mataas na Hukuman.
- Latest