VP Sara, lumipad pa-Netherlands

MANILA, Philippines — Lumipad patungong The Netherlands si Vice President Sara Duterte kahapon ng umaga kasunod ng pag-aresto sa kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), umalis ng Maynila ang bise presidente dakong alas-7:40 ng umaga kahapon, lulan ng Emirates flight EK 337, patungong Amsterdam.
Magtutungo si VP Sara doon upang makipagkita sa legal team ng kanyang ama at talakayin ang kasong crimes against humanity na kinakaharap nito sa International Criminal Court (ICC).
Kabilang sa inaasahang tatalakayin nila ay ang mga legal na opsiyon na maaaring gawin para sa dating pangulo.
Hindi na rin naman nagbigay ng ibang detalye hinggil dito ang OVP.
Matatandaang inaresto ang dating pangulo kamakalawa paglapag niya sa NAIA galing ng Hong Kong.
Matapos ang 12 oras na detention sa Villamor Air Base, isinakay ang dating pangulo sa isang chartered flight patungong Dubai dakong alas-11:03 ng gabi.
Dumating sina Duterte sa Al Maktoum International Airport sa Dubai, dakong alas-4:03 ng madaling araw.
Mula sa naturang paliparan, inilipad si Duterte patungong Rotterdam The Hague Airport kahapon ng umaga.
- Latest