Mga security ni VP Sara, pinalitan
MANILA, Philippines — Pansamantalang papalitan ng mga bagong sundalo at mga pulis ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr., ito’y para masiguro na mas mabibigyan ng sapat na seguridad at proteksiyon si Duterte.
Nilinaw ni Brawner na ginagawa nila ito matapos na makatanggap ng subpoena mula sa Philippine National Police kung saan iniimbestigahan ang mga miyembro ng VPSPG.
“But because may subpoena sila, it means to say hindi nila kayang gampanan ‘yung tungkulin nila to protect and secure the Vice President. That is why we are temporarily pulling them out, replacing them. We are going to replace them,” ani Brawner.
Una nang sinabi ng PNP na nagtalaga sila ng 25 pulis sa VPSPG kasunod ng posibleng pagbawi sa mga tauhan ng AFP sa Office of the Vice President.
Sa ngayon aniya, nasa 300 mga sundalo ang naka-assign kay Duterte.
Sinabi ni Brawner na pagmumulan ito ng gulo sakaling may mangyaring masama kay VP Sara at pagsasagawa ng pagpatay kina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez bilang ganti ng Bise Presidente.
Samantala, sinabi naman ng PNP na wala silang namomonitor o natatanggap na anumang seryosong banta sa buhay ni VP Sara.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig Gen. Jean Fajardo, sakaling mayroong banta sa buhay ni VP Sara, dapat na agad itong naipaalam sa VPSG na may responsibilidad sa seguridad ng Bise Presidente.
Dagdag pa ni Fajardo, pagtutulungan i-validate ng mga security force ang impormasyon hinggil sa mga pagbabanta upang hindi mapahamak si VP Sara.
- Latest