‘Rice price manipulation case’ noong Duterte admin ‘di pa rin nareresolba – Salceda
MANILA, Philippines — Hindi pa rin nareresolba ang “pinakamalaking agricultural price manipulation case” na kinasasangkutan ng anomalya sa pag-angkat ng bigas noong administrasyong Duterte kung saan bilyon-bilyong piso ang nawala sa mga Filipino consumer, ayon kay Murang Pagkain Super Committee chairperson at Albay Rep. Joey Salceda.
Sa committee hearing noong Martes, binigyang-diin ni Salceda ang pangangailangan para sa accountability, tinukoy ang mga kabiguan na nagpahintulot sa mga kartel na magsamantala sa suplay ng pagkain sa bansa.
Pinuna ng kongresista kung paano kinontrol ng pribadong sektor ang rice importation at ang pagmanipula sa import permits sa naturang panahon na nagresulta sa malaking pagtaas sa presyo ng bigas noong 2018, kung saan ang mga consumer ay nagbayad ng karagdagan na hanggang P8 kada kilo.
Sa pagtaya ni Salceda, ang kabuuang nawala sa ekonomiya ng bansa ay nasa P88.6 billion.
Nanatili aniyang hindi malinaw kung anong private sector entities ang binigyan ng rice importation permits ng National Food Authority (NFA) sa loob ng dalawang taon.
“No one has gone to jail for allegations of bribery in obtaining import permits, or for the NFA’s failure to undercut cartels by diverting palay procurement funds to loan payments,” paliwanag pa ng kongresista.
Kaugnay nito ay hiniling ni Salceda sa Committee Secretariat na magpadala ng liham sa Department of Justice (DOJ) at sa Office of the Ombudsman upang malaman kung may mga kaso nang naisampa laban sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa Duterte-era rice price manipulation scandal.
Hiniling din niya na kumpirmahin sa DOJ kung nagkaroon ng formal investigation kay dating NFA Administrator Jason Aquino.
- Latest