CIDG, handa na sa pag-aresto sa 3 Senador
MANILA, Philippines - Nakahanda na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives sakaling ibaba na ng korte ang warrant of arrest upang arestuhin sina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada kaugnay ng pagkakasangkot sa kontrobersyal na P10 bilyong pork barrel scam.
Nilinaw ni PNP–CIDG Chief P/ Director Benjamin Magalong na walang halong pulitika ang inihahanda nilang preparasyon upang dakpin ang tatlong Senador sa oras na ipag-utos ng korte.
Una nang inihayag ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng Public Information Office (PIO) na nililinis na ang PNP–Custodial Center upang dito ikulong ang mga high profile fugitives tulad ng tatlong Senador.
Sa kasalukuyan, ang mga nakakulong naman sa PNP Custodial Center ay sina dating PNP Chief ret. Director General Avelino Razon, ang mag-asawang top 1 at top 2 na lider ng NPA rebels na sina Benito at Wilma Tiamzon at iba pa.
Inihayag ni Magalong na ang PNP-CIDG ang magsisilbing lead unit sa pag-aresto sa tatlong Senador na isinasangkot sa pork barrel scam.
Nabatid na nakabantay at handang-handa na ang PNP-CIDG operatives sa pagdakip sa naturang mga Senador at ang tanging go signal na lamang upang agaran itong ipatupad ay ang ipapalabas na warrant of arrest.
Sinasabing si Revilla ay nakinabang ng P 224.5M; P172M si Enrile at P183.79M naman si Jinggoy sa pork barrel scam ni Napoles.
- Latest