Paano kung ‘hate’ ka ng co-workers mo?
MARAMING dahilan kaya ‘hate’ ka nila: Magaling ka, inggit sa iyo, favorite ka ng boss, natatakot na maunahan mo silang ma-promote samantalang mas nauna silang pumasok sa kompanya. Narito ang signs na hindi ka nila gusto:
Nakukutuban mo.
Hindi sila ngumingiti kapag nasa paligid ka.
Hindi sila nakikipag-eye contact sa iyo kapag kinakausap ka.
Iniiwasan ka.
Pinagtsitsismisan ka.
Kapag may itinanong ka, maikli lang ang isinasagot nila at walang kagana-gana ang pakikipag-usap sa iyo.
Makikita sa kanilang body language: a) Biglang maghahalukipkip kapag tumabi ka sa kanila. b) Kapag nasa meeting at nagsalita ka, umiikot ang kanilang mata. c) Maaabutan mong masaya silang nagkukuwentuhan pero kapag lumapit ka ay biglang magtatahimikan; ihihina ang mga boses o babalik sa kanya-kanyang cubicle.
Hindi ka niyayaya kapag breaktime. O, hindi sila tume-table sa iyo kapag nag-abot kayo sa canteen.
Pinadadaan sa email ang communication ninyo kahit magkatabi lang kayo ng cubicle.
Hindi ka iniimbita sa social events.
Lagi nilang binabara ang iyong ideya.
Nagiging ‘bossy’ sa iyo kahit hindi mo naman siya boss. Pasimpleng pagbu-bully, baga.
Kung nakakaapekto na sa iyong trabaho ang ginagawa nilang pambabara sa iyong mga suhestiyon, ano ang dapat gawin?
Kung pagkatapos mong suriin ang sitwasyon at natiyak mong wala kang ginagawang masama sa kanila, itala mo ang lahat ng “pagbaril” sa iyong ideya. Bumili ka ng log book at ilista ang pangyayari na parang diary—
a. Lagyan ng petsa at oras kung kailan nangyari.
b. Ano ang eksaktong palitan ng mga salita?
c. Sino ang kaharap o nakarinig sa pagpapalitan ninyo ng mga salita?
Ang mga bagay na ito ang ipiprisinta sa management kung kailangan mo nang magsumbong dahil naaapektuhan na ang performance mo. O, kaya, may group project na gagawin at napabilang ka sa mga co-workers na masama ang inuugali sa iyo. Siyempre, kailangan mong magpalipat ng grupo. Ang mga entries mo sa log book ang magpapatunay na hindi makabubuti na isama ka sa kanila. Sa ganitong punto, maging matatag at lalo mong isagad ang iyong galing sa trabaho. Ito ang pinakamagandang ganti na magagawa mo.
- Latest