Balon sa England, nagiging bato ang mga nalulublob sa tubig nito
MAY isang balon sa Knaresborough, England na binansagang Petrifying Well dahil nagiging bato ang mga nalulublob sa tubig nito.
Makikita ang ilang mga bagay sa paligid ng balon na naging bato dahil sa tubig nito. Nandiyan ang mga laruan, sombrero, at pati na isang bisikleta na animo’y naging bato matapos iwanang nakalublob sa tubig ng balon.
Noong una ay pinupuntahan ang mahiwagang balon dahil inakala ng mga taong nakakagamot ang tubig nito. Nag-iba na lang ang imahen nito nang kumalat ang balitang na-giging bato ang anumang mabasa ng tubig mula sa balon. Ito ang dahilan kung bakit inakala ng mga taga-Knaresborough noong unang panahon na may sa demonyo ang Petrifying Well. Nakadagdag pa kasi sa takot ng mga mamamayan ang pagiging korteng bungo ng balon.
Kalaunan ay napag-alaman ng mga siyentista ang dahilan kung bakit nagiging parang bato ang mga bagay na nababasa ng tubig mula sa balon. Sa halip na masamang espiritu ay isang mineral pala na nakahalo sa tubig ng balon ang nadiskubreng sanhi ng kakaibang epekto ng tubig sa mga bagay na nalulublob dito.
Ngayon ay hindi na kinatatakutan ang balon. Sa halip ay isa na itong tourist attraction para sa mga taong gustong makita ang iba’t ibang mga bagay na naging bato dahil sa tubig nito. Puwede rin silang bumili ng mga stuffed toy na naging bato bilang souvenir mula sa mahiwagang balon ng Knaresborough.
- Latest