Lider ng NPA nanlaban, bulagta
MANILA, Philippines — Bulagta ang isang regional chief ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos umanong manlaban sa mga otoridad habang isinisilbi ang warrant of arrest laban dito sa liblib na lugar sa Sitio Lacobe, Brgy. Malabuan, Makilala, North Cotabato nitong Biyernes ng tanghali.
Kinilala ang napaslang na lider ng NPA terrorist na si Juanita Gore Tacadao alyas “Ka Isay”/ “Maring”, Logistics and Finance Chief ng NPA Command sa Eastern Mindanao.
Sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali nang magtungo ang mga tauhan mula sa Army’s 39th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng superbisyon ni Lt. Col. Geofrey Carandang at Makilala Police Office sa lugar upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Tacadao.
Ayon sa opisyal, papalapit pa lamang sa lugar ang security forces ay nagpulasan ng takbo ang grupo ni Tacadao habang ang iba naman ay pinaputukan ang tropa ng pamahalaan na nauwi sa maikling palitan ng putok kung saan ay napaslang si Tacadao.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Judge Magnolia Velez ng 11th Judicial Region, Regional Trial Court (RTC) Branch 20 ng Digos City, Davao del Sur sa kasong murder at ni Judge Jose Tabosares ng 12th Judicial Region, Regional Trial Court (RTC) Branch 23 ng Kidapawan City, North Cotabato sa kasong robbery with violence.
- Latest