Parak na ‘tulak’ bulagta sa buy-bust
MANILA, Philippines — Patay ang isang aktibong pulis na suma-sideline bilang ‘tulak’ ng droga matapos manlaban sa ginawang buy-bust operation ng kanyang mga kabaro sa Zone-6, Brgy. Topas Proper sa bayan ng Nabua, Camarines Sur kahapon ng tanghali.
Tinangka pang isugod sa Tanchuling Hospital sa Iriga City pero dineklarang dead-on-arrival ang suspek na si Patrolman Domingo Rayosa Cabañez Jr, residente ng nasabing barangay at nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Section ng Camp Gen. Simeon Ola.
Sa ulat ni Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5 (PRO-5) dakong alas-11:43 ng tanghali nang ikasa ng Camarines Sur at Nabua Police ang operasyon laban kay Cabañez na itinuturing na high value target.
Gayunman, matapos na magkaabutan ng droga ay nakahalata ang suspek na mga kapwa pulis ang kanyang katransaksyon kaya bumunot ito ng kanyang baril pero naunahan siyang paputukan ng mga operatiba.
Nabawi sa suspek ang 3 sachet ng shabu, P500 buy-bust money at kalibre .38 baril.
Nabatid na nakapasok bilang pulis si Cabañez noong 2005 sa Camarines Sur Provincial Office pero na-discharge noong Enero 20, 2016 dahil sa pag-AWOL (absent without official leave) pero muling nakabalik sa serbisyo noong Nobyembre 18, 2018 at itinalaga sa loob ng Kampo Ola.
- Latest