Murang Kuryente Partylist pinalagan ang paggamit ng pondo ng electricity coop
MANILA, Philippines — Kinondena kahapon ni Murang Kuryente Partylist (MKP) 1st nominee Gerry Arances ang kontribusyon na ginagawa ng electric cooperatives sa isang partylist na tumatakbo ngayong 2019 elections.
Nabatid na nag-isyu ng Resolusyon 21, Serye ng 2019 ang Davao del Sur Electric Cooperative na nagkakaloob ng P3-M sa partylist na Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA), ang grupo rin na nagtangkang ipasa ang real property taxes bilang add-on charges sa buwanang bayarin ng mga consumer.
Isa pang electric cooperative na nagkaloob na katulad ng kontribusyon ang Isabela II Electric Cooperative (ISELCO) na nag-Isyu ng tseke na nagkakahalaga ng P2 milyon sa PHILRECA.
Nabatid din na ginagamit umano ng PHILRECA ang network at resources ng mga electric cooperatives para gumawa at magpamigay ng kanilang campaign materials bukod pa sa pisong buwis kada taon ng bawat miyembro ng mga kooperatiba na aabot sa P12.4 milyon kada taon.
Binigyan ang Murang Kuryente Partylist ng kopya ng sulat sa Energy Regulatory Commission (ERC) nitong Marso 5, 2019 ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) na nagbulgar sa tiwaling praktis ng PHILRECA.
Ipinagbabawal sa Omnibus Election Code sa mga public utilities at iba pag binigyan ng prangkisa ng gobyerno na makaloob ng anumang kontribusyon sa layuning pampolitika.
- Latest