Ping: PNP dapat purgahin
MANILA, Philippines - Binigyang-diin ni dating Senador Panfilo Lacson sa kasalukuyang namumuno ng Philippine National Police (PNP) na si Deputy Director General Leonardo Espina na magkaroon ng cleansing process o purgahin ang hanay ng kapulisan sa bansa para maibalik ang dangal ng mga pulis sa buong bansa.
Sa ibinigay na talumpati ni Lacson sa harap ng mga opisyal ng PNP kamakailan kaugnay ng PNP Ethics Day sa Camp Crame, nilinaw nito kay Espina na nang magsilbi siya bilang hepe ng PNP mula noong 1999 hanggang 2001 ay hinarap din niya ang mga katulad na problema kaya nasa mga kamay ngayon ng PNP Officer-In-Charge para maibalik ang dangal ng pulisya.
Inihalimbawa ni Lacson ang mga pulis noong araw sa Imus, Cavite na kahit nakauniporme lang ng khaki, may revolver, itim na baton at kumikinang na pito ay iginagalang at kinatatakutan ng mga tao sa kanyang lugar.
Aniya, nalungkot siya nang maging hepe ng PNP noong 1999 dahil masyado nang bagsak ang respeto ng mamamayan sa mga pulis at nahirapan siyang ibalik ang galang ng mga tao sa PNP.
Bukod sa pagbabawal sa pangongotong at paggamit ng mga awtoridad sa mga nakaw na sasakyan, tumalima ang mga pulis kay Lacson sa ipinagbawal niyang pangingikil at pagtanggap ng payola lalo sa mga gambling lord.
“Hanggang may nakikita o naririnig kayong galit o negatibong pagpuna sa bawat pagkakamaling inyong nagawa, isipin na lang ninyo na umaasa pa ang publiko sa inyong pagbabago. Ang malungkot ay kung idinadaan na lang sa panlalait at ginagawang biro ang inyong mga maliwanag na kamalian at kakulangan. Iyon ang masakit na palatandaan o patunay na give up na ang mga mamamayan na talagang wala nang pag-asang magbago pa ang kapulisan” Ani pa ni Lacson.
- Latest