CBCP kakalampagin ang kongreso
MANILA, Philippines - Kakalampagin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Family and Life sa pagbubukas ng 16th Congress upang hilingin na huwag isabatas ang mga death bills na nakabinbin.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Family and Life chairman at Antipolo Bishop Gabriel Reyes na kailangan pang palawakin ang information campaign laban sa mga death bill at anti-family bill sa Kongreso tulad ng divorce, same sex marriages, euthanasia, abortion at total reproductive bill.
Itinuturing namang tagumpay ni Bishop Reyes ang pagkapanalo ng anim na prolife Senators sa nakaraang midterm elections na magsisilbing dagdag sa apat na incumbent prolife senators upang tutulan ang mga death bills na nakabinbin.
Umaasa ang Obispo na paghahandaan at tututulan ng mga nanalong prolife senators ang mga death bill, anti-life at anti-family bill na nakahain sa dalawang kapulungan ng kongreso. Bagama’t aminado na marami pa ring pro-RH law ang nanalo sa nakaraang halalan ay umaasa ang Obispo na mari-repeal ang RH law.
Inamin din nito na marami pa rin ang kandidato na nanalo sa halalan sa kabila ng mga imoral na gawain o pagkakaroon ng higit sa isang asawa dahil na rin aniya sa kulang pa rin ang mga botante sa kaalaman upang maging matalino sa pagpili ng kandidato at pagwawaksi sa vote buying na hanggang ngayon ay umiiral pa rin tuwing halalan.
Naniniwala ang Obispo na edukasyon pa rin ang solusyon para matuto ang mga botante sa kanilang mga pagkakamali sa pagboto.
- Latest