‘Kuta’ng pekeng PWD IDs buking, 3 timbog
![‘Kuta’ng pekeng PWD IDs buking, 3 timbog](https://media.philstar.com/photos/2025/02/06/2_2025-02-06_23-21-00.jpg)
MANILA, Philippines — Timbog sa entrapment operation ng Manila Police District-District Intelligence Division (MPD-DID) kamakalawa ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila ang tatlong katao na gumagawa ng pekeng ID ng persons with disability (PWD) sa Maynila, Quezon City, Pasig, at Muntinlupa at Angat, Bulacan.
Ang mga suspek na sina Marites Esedera, 34; Erdie Macaspac, 49, at Michelle Janaban, 31, pawang residente ng Sta. Cruz, Manila ay mahaharap sa kasong falsification of public documents at manufacturing and possession of instruments of implements for falsification sa piskalya.
Lumilitaw sa ulat na dakong alas-5:40 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng MPD-DID Tracker team sa pangunguna ni PCapt. Joel Aquino sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol. John Guiagui, ang isang maliit na silid sa Barangay 310, sa Quezon Boulevard sa Sta. Cruz.
Una nang nakatanggap ng tip si Aquino hinggil sa pamemeke ng PWD IDs sa lugar, kaya’t kaagad na nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakasamsam ng mga kagamitan kabilang ang computer set, printer, isang pakete ng paper vellum, metal ruler at cutter gayundin ang ilang pirasong pekeng PWD IDs at P700 cash.
Sinimulan umano ng mga suspek ang ilegal na aktibidad noong nakaraang taon, sa halagang P100 bawat isang pekeng ID, kung direktang ipapagawa, at P200 kung dumaan sa fixer.
Bukod sa pekeng PWD IDs, gumagawa rin ang mga suspek ng iba pang pekeng dokumento, gaya ng birth certificate, transcript of records, at certificate of employment.
- Latest