2 Chinese timbog sa bentahan ng ‘di rehistradong gamot
MANILA, Philippines — Bumagsak sa kamay ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang Chinese national na sangkot sa bentahan ng hindi rehistradong mga gamot sa Parañaque City.
Sa pahayag ni PNP-CIDG chief PBGen. Nicolas Torre III, ang mga suspek na kinilala lamang sa mga pangalang “Hu” at “Quan”, ay naaresto ng mga tauhan ng Detective and Special Operations Unit (CIDG-DSOU) sa isinagawang buy-bust operation bandang alas- 12:45 nitong Biyernes sa Concorde Village, Tambo, Parañaque City.
Ayon kay Torre, nag ugat ang kanilang operasyon sa kumpirmasyon ng intelligence reports na nagbebenta ang mga suspek ng mga hindi rehistradong gamot sa Metro Manila.
Kabilang sa mga nasabat na gamot ay dalawang kahon ng Ganmaoling Keli, 20 box ng Glucophage-Metformin Hydrochloride Extended-release tablets, dalawang kahon ng Amlodepine Besilate tablets, tatlong kahon ng Linou-Gliclazide tablets, dalawang kahon ng Longdan Xiegan pills, apat na kahon ng Zhibai Dihuang pills, isang kahon ng Bear Bile powder, 12 kahon ng Diamicron - Gliclazide tablets at 16 kahon ng Bayaspirin - Aspirin Enteric-coated tablets.
Ang mga nasabing gamot ay nagkakahalaga ng P15,000.00 at hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration at may posibleng panganib sa kalusugan ng publiko.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9711 (Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009) kaugnay ng manufacture, importation, exportation, sale, offering for sale, distribution, at transfer ng mga unregistered drugs.
- Latest