Sarno bumuhat ng tiket sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Magarbo ang pag-entra ni Vanessa Sarno sa Paris Olympics matapos bumasag ng national record sa 2024 International Weightlifting Federation (IWF) World Cup women’s 71kg class na ginanap sa Phuket, Thailand.
Bumuhat si Sarno ng 110 kg sa snatch para wasakin ang 108 kg na naire-histro nito sa IWF Grand Prix na ginanap sa Doha, Qatar noong Disyembre.
Sa World Cup, kumana pa ito ng 135 kg sa clean and jerk para makalikom ng kabuuang 245 kg — sapat para makapasok sa Paris Olympics.
Nasa ikalimang puwesto si Sarno sa Olympic Qualification Rankings (OQR) kung saan tanging ang Top 10 lamang sa world ranking ang papasok sa Paris Games.
“One of the lesson that I’ve learned from this journey is that, not everyone that was with you from the very start will always be with you and stay for you throughout your process to progress into this journey,” ani Sarno.
Si Sarno ang ikaapat na miyembro ng national weightlifting team na nakahirit ng tiket sa Paris Olympics.
Nauna nang umabante sina Rosegie Ramos (women’s 49 kg), John Ceniza (men’s 61 kg) at Elreen Ando (women’s 59 kg).
Sa kabuuan, may 10 Pinoy athletes na ang nagkwalipika para sa Paris Olympics.
- Latest