4th place sosolohin ng Lady Cardinals
MANILA, Philippines — Muling kakapitan ng Mapua University si Raissa Janel Ricablanca pagharap nila sa tigasing Lyceum of the Philippines sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Cardinals at Lady Pirates ngayong alas-2 ng hapon matapos ng bakbakan sa pagitan ng Arellano Lady Chiefs at Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa alas-10 ng umaga.
Pangunahing armas ng Mapua si Ricablanca at kailangan nilang mapaganda ang kanilang karta para mahawakan ang solo fourth place sa team standings.
Kasalukuyang kasalo ng Lady Cardinals ang Lady Chiefs sa No. 4 hawak ang parehong 4-3 record.
Natisod ang Lady Cardinals two-time defending champions St. Benilde Lady Blazers, 25-19, 25-23, 25-8, noong Linggo.
Pero paniguradong mapapalaban ang Mapua bago makuha ang panalo sa Lyceum.
Nasa pangalawang puwesto ang Lady Pirates na may 6-1 card, habang nasa tuktok ang Lady Blazers na hawak ang malinis na 8-0 baraha.
- Latest